Bilang sagot sa panawagan ng blogger na si Gasul, hayaan nyong ako’y magkwento…

A True Story…

Lumaki kami’t nagkaisip sa isang payak na bahay sa tabi ng isang gasoline station. Sa isang malayong bayan sa Oriental Mindoro kung saan may isang gasulinahang nakatayo.

Noong araw na hindi pa uso ang elektrisidad sa bayan namin, mano mano pang magkarga ng gasulina sa mga mangilan ngilang sasakyan sa bayan namin.

Sa gasulinahang yun, nakatayo ang grocery ni Aling Hasmin. Sila rin ang may-ari ng gasulinahan na yun.

Ang gasulinahan din na yun ang nagsilbing landmark ng mga taong nakatira sa barangay namin kapag bababa na ng bus.

“Ay utoy ako nga’y ibaba mo jan sa may mobil”

Mobile yun dati, pero kahit naging Caltex na, mobil pa rin nakasanayan ng mga tao.

May ilang naging kasambahay din kami nung araw na nagkashota ng gasoline boy doon.

Piping saksi ako kung panong galit na galit si Ate Nel, yung nag aalaga sa amin, dun sa boy na “aksidenteng” napahalik sa noo ni Ate Nel. Sa pananaw ko noon, mabubuntis na si Ate Nel, nahalikan nung boy.

Hindi pala ganun kasimple ang pag gawa ng bata. Alam ko, kasi nasubukan ko na. Hihihihihihi…

Akala ko, mapapatay na ni Ate Nel yung boy na yun, kasi hinabol nya ng kutsilyo. Pero nagtataka ako nung mga sumunod na araw, panay panay naman ang bulungan nilang dalawa.

Bata pa ako noon, mga anim na taong gulang pa lang siguro. Lagi kasi akong sinasama ni Ate Nel kapag nag iigib ng tubig mula sa free-flow nila Aling Hasmin.

Payak na payak lang ang bayan namin. Pero masasabi kong nauna kaming umusbong kesa sa ibang mga bayan sa aming lalawigan. Dahil noon pa man, may gasulinahan na dun.

Makalipas ang ilang panahon, nagsara na ang gasulinahan. Hinukay ang mga higanteng tangke sa ilalim ng lupa. Ganun pala yun, Halos kasing laki ng kabuuang lupa ng gasulinahan yung dalawang tangke sa ilalim. Manghang mangha ang bulilit kong isipan na ganun pala yun.

Buong akala ko, galing lang talaga sya sa mga mineral sa ilalim. May imbakan pala dun. Matagal ding panahon na ako’y nalinlang.

Matagal ding natengga ang gasulinahan na yun. Kasabay ng pagtigil ng progreso sa bayan namin.

Noong araw kami na yata ang pangatlo sa progresibong bayan sa aming lalawigan. Nangunguna ang Calapan na syang kapitolyo, sumunod ang Pinamalayan at kami na nga ang pangatlo.

Noong araw yun.

Lumipas ang panahon, wala na akong nakitang pagbabago.

Simula noong makapagtapos ako ng hayskul, hindi na ako nakatigil ng matagal sa bayan namin. Pero kada uuwi ako kada magbakasyon, wala pa rin akong nakikitang ganun kalaking progreso.  Mga bagong mukha na lang na makikita mo sa kalsada.

Pero kada uuwi ako, andun lagi ang panghihinayang sa nagsarang gasulinahan. Ewan ko lang kung bakit.

May mga ilan na ring naitayong gasulinahan sa ibang parte ng aming bayan. At unti unti na rin palang bumabangon ang aming bayan.

At nabalitaan ko nga lang kagabi, na pinatayuan na daw ulit ng bagong gasolinahan doon sa tabi ng bahay namin.

Ang bagong gasulinahan na naging piping saksi sa karumaldumal na pagpatay sa isa naming kababayan. Binaril daw sa ulo sa harapan mismo ng kahera. Walang makaalam kung sino ang gumawa at kung ano ang motibo.

Dun sa bagong gasulinahan.

 

 

*********

hindi ko na hinahangad manalo sa patimpalak na ito…

pagdasal na lang ng bawat makakabasa nito na mabigyang katarungan ang nangyari dun sa biktima.

salamat sa inyo.

Advertisement